Friday, August 24, 2012

Ang Alamat Ng "I'm Praying for You"

Disclaimer: Ang nilalaman ng blog post na ito ay hango sa pananaw ng marami sa mga kababaihan.



















“I’m praying for you.”

Marahil narinig mo na ang mga katagang iyan mula sa mga Kristiyanong lalake na may gusto sa isang babae pero hindi pa sigurado kung ano ang dapat nilang gawin sa kanilang nararamdaman. 

Walang masama sa pagdarasal para sa taong napupusuan mo pero ang tanong, may nasusulat bang batas na kailangang sabihin ito sa kanya? Yung tipong di ka mapakali kapag di mo nasabi na, “I’m praying for you”? O baka naman ginagamit mo lang si God para maipahayag ang nararamdaman mo?

May mga aaray at magtatanong, “Eh, ano ba ang masama kung sabihin?” Mga ate at kuya, masama. Napakasamang sabihin ito. Bakit kamo? Kasi ito ay isang malaking sanhi ng pag-papaasa na madalas nauuwi sa heartbreak. Ang pagsasabi ng “I’m praying for you” ay 99.5% na katumbas ang pagtatapat ng malalim mong damdamin na, “Gusto kita” o “Mahal kita” o kung Ingles gusto mo, “I Love You” pero di mo lang masabi kaya “I’m praying for you” na lang muna ang sasabihin mo. At least safe ka kasi si God ang ginamit mong pangsuklob. At least maiisip niya na godly ka kasi pinapanalangin mo siya.

At kapag nasabi mo na ang “I’m praying for you”, 99.5% na umaasa ang babae sa’yo. At kung babae ang naunang magsabi (wag naman sana), 99.5% na magkakaroon ng confidence si lalake na manligaw. Wag na mag-deny mga ate at kuya, panigurado yan na kahit sinong babae ay aasa even 1% lang at kahit sinong lalake ay tataas ang confidence level ng at least 1%.

At dahil hindi naman 101% sigurado ang I'm-praying-for-you couples sa nararamdaman ganito ang ilan sa mga madalas na nangyayari:

1. Laging magka-text. At kung hindi kuntento sa pagtetext, nagtatawagan. Uso naman kasi ang Unli. Madalas nagtatapos ang paguusap sa, “I’m praying for you” o di kaya minsan susubukang humirit ng mabilis na “I love you” sabay pindot ng end call.

2. Laging magka-chat. Kung di kuntento sa chat, video conference ang peg. May pagkakapareho sa pagtatapos ng conversation sa number 1.

3. Kung kumilos eh daig pa ang mga tunay na magsyota at mga mag-asawa. Minsan kung makapagselos akala mo sila na talaga. Pero hindi. “I’m praying for you” stage lang sila.

4. Nagbabasa sila na Bible together sa isang coffee shop. Or kung walang ganung kalaking budget sa Jollibee, Chowking o McDo na lang o di kaya sa SM Foodcourt. Minsan may discipleship material na kasama sa pagbasa ng Bible. “Growing in the Lord together” ang tawag nila dito pero ang totoo ito ay isang Date-scipleship Time.

Marami pang ibang halimbawa pero ang mga nabanggit ay ilan lang sa mga madalas kong nakikita. So paano na kaya kapag nawala na ang nararamdaman?

“Sorry, pero pinakita ni Lord na hindi ikaw yung para sa akin.” 

In short, hindi ka na niya ipinagdarasal kasi may iba nang ipinakita si Lord na ipagdarasal niya. Para lang magsyota na nag-break,

“Sorry may iba na kong mahal.”

The End.

Matapos lahat ng text, tawagan, chat at date-scipleship, sa heartbreak lang pala mauuwi ang mga bagay na nag-umpisa sa “I’m praying for you.”

Bakit kasi hindi na lang natin itikom ang bibig natin at taimtim na manalangin kung maigting na itinatanong ng damdamin kung SIYA NA BA? Sa totoo lang kaya hindi natin mapigilan ang ating mga sarili na magsabi ay dahil wala tayong tiwala kay God na ipapakita Niya sa tamang panahon kung sino talaga ang para sa atin.

Sabi nga sa Bible, there’s a time for everything. There’s a time to be silent and a time to speak. Maaaring sa panahon na pagiging single eh kailangan mo lang muna manahimik at maging abala to get to know God deeper imbis na ipagpray ang lahat ng babae o lalake nagiging crush mo ng “Lord, siya na ba?”

Ngunit kung pilit na tinatanong ng damdamin mo kung siya talaga, eh bakit hindi mo sabihin sa parents, pastor o small group leader mo? Sila ang ilan sa mga taong makakatulong sa iyo sa panalangin at hindi ang taong gusto mo. Kadalasan kasi si Girlaloo o Boylaloo pa ang nagiging distraction sa prayer life mo.

Payo naman sa pastor o small group leader, wag umastang official matchmaker. Ikaw ba si God? Excuse me po pero minsan kasi imbis na mag-pray talaga kayo eh kayo pa ang ang nag-uumpisa ng pamamalita sa buong simbahan. Chika Minute anchor na din ang trabaho nyo?

Kung nais mo naman talaga na sabihin ang “I’m praying for you”, sana may idea ka na ligawan siya sa loob ng pinakamabilis na panahon. Kasi ang pagsasabi dapat laging may kaakibat na paggawa. Wag mo lang sabihin. Gawin mo!

Sa nagbabasa nito at maaaring may plano na magsabi sa akin ng isang variation ng I’m praying for you, 

“Christin, sabi ni God ipagpray daw kita.”

Ito lang ang masasabi ko sa’yo,

“Sinong god yan?!”